MABILIS ang panahon. Buwan ng Hunyo na. Nangalahati na ang 2017. Hindi mo namamalayan lumipas ang mga taon. Sasabihin mo sa sarili mo, parang kailan lang. Kailan lang yaong nagdaang eleksyon. Kailan lang nagsaya ang mga Davaweno sa Crocodile Park pagkatapos manumpa si Mayor Digong Duterte bilang pangulo ng Pilipinas. Madami pang mga kaganapan na parang mabilis na hanging dumaan lang.
Kaya siguro hindi napapansin ng tao ang kaniyang pagka-tanda, ay dahil sa nakikita niya araw araw ang hitsura niya sa salamin. Nitong modernong panahon, nitong internet age na kung saan mayroon ng celfone, may Twitter, Facebook, etc. napakadaling bumiyahe pabalik ng nakaraan. Mag-download ng mga matatandang larawan at tiyak makikita ninyo ang kaibahan.
Bawat tao ay may sariling kasaysayan. “Every man has his own story to tell.” Ikaw at ako, ang ating kasaysayan ay ikukwento ng mga larawan sa Facebook. At Facebook, nandoon ang kwento ng buhay.
Matutuwa ka o malulungkot ka pag tinitignan mo ang iyong mga kuhang larawan ng nagdaang panahon. Nandoon ang hitsura mo noong ikaw ay malikot na sanggol na siguro kuha pa ng letratista may talukbong sa ulo at pumuputok pa ang yaong flash bulb.
Mapapangiti ka pag minamasdan mo ang larawan ng ikaw ay teenager at kasama ang mga kalaro at nagtatampisaw sa ilog dahil iyon ay Linggo at may piknikan.
Malulungkot, baka mamalisbis ang luha mo sa magkabilang pisngi, dahil sa isang family reunion nagkaroon ng group picture na nandoon ang iyong magulang at mga kapatid. At iyong magulang ay nasa langit na, at may mahal kang mga kapatid na pumanaw kung kailan lamang at kailanman hindi na ganoon ka-ligaya ang mga family reunions.
Larawang magbibigay ng saya at lungkot. Pero talagang ganoon ang buhay. Laging hati. Yin and Yang, ika ng mga intsik. Kung may araw, may gabi. Kung may kabiguan may tagumpay. Hindi pwedeng puro gabi at walang araw, hindi pwedeng laging panalo at hindi rin pwedeng palagi na lang bigo. Ang mahalaga harapin ang buhay ng puspos na pananalig sa Diyos at sa sarili.
Noong ang tao ay isilang, isang direksyon lang ang kaniyang patutunguhan. Ito ang pakikipag-tipan niya sa kaniyang lumikha. Ito ang wakas ng kaniyang paglalakbay sa daigdig na ito.
Hindi man sukat katakutan ang wakas ng kaniyang buhay. “The greatest gift God has given to mankind is death.” Kamatayan ang pinamahalagang regalo ng Panginoon sa atin.
Ang malagim na katotohanan hindi na natin maibalik ang kamay ng orasan ng buhay, at pwede lang balikan sa pamamagitan sa pagtingin sa mga lumang larawan. Mga larawang sumasalamin sa naging takbo ng buhay mo. Sana walang pagsisisi.
Tweets:
- Kung mahiligin kayong magpalipas ng inip sa mga casinos, huwag na sa Manila. Dito sa loob ng Clark Freeport lalo na pa sa Royce at Midori safe na safe kayo.
- Bababa ba si Mabalacat City Mayor Boking Morales agad-agad? O may mga remedyo pang legal na mababalam ang kaniyang paglisan sa city hall?
- Puspusan ang paglapad at kumpuni ng mga kakarsadahan sa Clark Freeport, dahil sa napipintong Asean summit sa Nobyembre.