Sapnu: Bulacan nangunguna pa rin sa drug campaign

Published on

HINDI talaga matutularan ng ibang Provincial at City police offices ang “accomplishments” ng Bulacan Police Provincial Office sa kampanya laban sa illegal drugs.

Hindi na rin mabilang ang mga drug pusher ang napapatay ng Bulacan police sa mga magkakahiwalay na drug busts matapos makipagbarilan ang mga suspek sa otoridad.

Bukod sa mga napapatay, hindi na rin mabilang ang mga drug pusher na nahuhuli ng Bulacan police.

At nitong nakaraang Huwebes, Oktubre 5, umaabot sa 10 drug personalities ang napatay sa magkakahiwalay operasyon ng Bulacan police.

Umaabot naman sa 132 drug pushers/users ang naaresto sa buy-bust operation.

Sang-ayon kay Senior Superintendent Romeo Caramat, Bulacan police provincial director, sa isinagawang 67 drug busts ng iba’t ibang police station ng Bulacan, 10 drug personalities ang napatay sa armed encounter at 132 naman ang naaresto.

Umaabot naman sa 360 sachets of shabu at apat na sachets of marijuana leaves ang nakumpiska sa mga drug personalities.

Sa armed encounter, anim na kalibre .38, limang improvised shotguns at isang kalibre .45 ang narekober sa mga napatay na drug pushers.

Lahat ng ito ay isang araw na drug bust ng Bulacan police.

Dapat lamang bigyan ng award ni Chief Superintendent Amador Corpus, Police Regional Office-Central Luzon director, ang Bulacan Police Provincial Office sa malaki nitong mga “accomplishment” sa illegal drugs.

Ang bagong Angeles City Plice OIC

Noong Oktobre 2, itinalaga si Senior Superintendent Enrico Vargas bilang Officer-In-Charge ng Angeles City Police Office.

Pinalitan ni Vargas si Senior Superintendent Patrick Villacorte na itinalaga sa ibang Police Regional Office.

Si Vargas ay dating chief ng Regional Personnel at Human Resources Office bago ito nalipat sa Angeles City Police.

Si Superintendent Narvin Mangune ang pumalit sa puwesto ni Vargas.

VoxPop Publishing Inc.
www.voxpop.com.ph