Sapnu: E-trike naglipana parang kabute sa CSF

Published on

MUKHANG malapit ng mawala sa kalsada ang mga kalesa dahil sa mga naglipanang parang kabute na E-trike.

Ito ang obserbasyon ng mga kababayan natin sa lungsod na kung saan iilan na lang daw ang nakikita nilang pumapasada na Kalesa sa lungsod.

Kung dati mga motorized tricycle ang mga pumapasada sa City of San Fernando e iba na raw ngayon dahil mga E-trike ang naglipana sa kahabaan ng MacArthur Highway at Jose Abad Santos Avenue.

Ang mga E-trike ngayon ang namamasada sa lungsod at bumabagtas pa sa mga pangunahing kalsada sa lungsod. Ang mga drayber nito ay walang pakialam kung bawal o hindi ang pagdaan ng mga ito sa MacArthur highway.

Kung tutuusin ay mahigpit na pinagbabawal ng Land Transportation Office (LTO)-Central Luzon ang pagdaan ng mga E-trike sa mga highway nguni’t pasaway ang mga drayber nito wala silang pakialam kung madisgrasya ang mga sakay nitong pasahero.

Dapat lamang sa loob ng mga barangay o subdivision maaaring pumasada ang mga E-trike.

Dahil walang pumapansin na humuli sa mga drayber ng E-trike, patuloy ang pagdaan ng mga ito sa Mc Arthur highway at JASA.

Sang-ayon sa mga kababayan natin, sino ang nagbigay ng permisyo sa mga drayber ng E-trike na maaari sila pumasada sa kahabaan ng Mc Arthur highway? Nagtatanong lang po...

Sang-ayon sa nakausap ng Dateline na LTO3 authorities, ang City of San Fernando government ang dapat magbawal sa mga pasaway na mga drayber ng E-trike.

Kailan kaya ipapatupad ng CSF government ang mahigpit na pagbabawal sa mga E-trike na pumasada sa lungsod? Nagtatanong lang po...

Hihintayin pa ba natin may mangyari aksidente sa E-trike bago ito ipagbawal pumasada sa mga panguhaning kalsada? Nagtatanong lang po...

Ang sabi pa ng mga kababayan natin, E-trike na ang king of the road...

VoxPop Publishing Inc.
www.voxpop.com.ph