MARAMING nagulat sa balitang lumabas sa mga pahayagan nasyonal at maging sa mga telebisyon na kung saan isang police officer ang nasangkot sa isang terrorist.
Sina Superintendent Maria Cristina Nobleza at si Reener Lou Dongon, suspek sa pagbomba sa isang hotel sa Cagayan de Oro ay nahuli sa isang checkpoint sa Barangay Bacani, Clarin town, Bohol, noong Sabado.
Sakay ng isang pick-up truck Nissan Navarra sina Nobleza at si Dongon kasama ang ina ng nito at 13 taon na kamag-anak nang masabat ang mga ito sa isang checkpoint.
Sang-ayon sa police report si Dongon ang drayber ni Nobleza at kalaunan naging lover. Si Dongon ay pinaniniwalaan bomb maker ng grupong Abu Sayyaf.
Si Nobleza ay miyembro ng isang special police anti-crime unit noong 2013 nang ito’y maatasan na imbestigahan si Dongon na kinasangkutan nitong bomber sa isang hotel. Siya ang kasalukuyang deputy regional director ng Crime Laboratory sa regional PNP office ng Davao.
Sa pahayag ni Chief PNP Director General Ronald dela Rosa, si Nobleza ay “romantically involved...she is sleeping with the enemy.” Hindi lang sigurado si Dela Rosa kung si Nobleza ay kasal sa isang police superintendent nasa police attaché sa Pakistan.
Sa pahayag pa ni Dela Rosa, tiyak na tatanggalin nila sa serbisyo si Nobleza at sasampahan ito ng kaukulang mga kaso.
Sang-ayon pa kay Dela Rosa, si Nobleza ay kumukuha ng kursong Human Resource Management sa Camp Crame Training Service sa Quezon City. Subalit siya ay umalis sakay ng kanyang Navarra pick-up truck upang makipagkita kay Dongon upang magdala ng gamot para kay Saad na nasugatan sa military operation sa Bohol.
Nahaharap sa kasong illegal possession of firearms, harboring a criminal at conspiracy to commit terrorism, ayon pa kay Dela Rosa.
Naging usap-usapan si Nobleza sa Camp Olivas dahil sa kanyang malaking pinasok na problema na ikinasira ng PNP image.
Sabi nga ng isang police officer sa Dateline, dahil sa pagmamahal nabulag daw si Nobleza at hindi na nito naisip ang magiging problema nito sa serbisyo.
Biro pa nga ng isang police officer, maaari daw gawin pelikula ang nangyari kina Nobleza at Dongon ang pamagat "sleeping with the enemy.”